"UWIAN"
Biente kwatro oras meron ang isang araw
Pero ang komukompleto lamang ng bawat araw ko ay tatlong segundo.
Tatlong segundo na maramdaman ka sa paligid ko,
O kaya naman pag bigyang tawad ni Bathala ay tatlong segundong makitingin sa mga mata mo.
Himala na nga siguro kung marinig ko pa boses mo.
Sa maikling panahon na binibigay sa'kin bawat araw ay nakukuntento ako
Para bang kape sa umaga na ginigising ang diwa ko,
Masyado na 'tong gamit pero
Ikaw ang bawat krayolang nagbibigay kulay sa mga guhit ko
Mga paputok sa bagong taon na inaabangan ko...
Tuwing uwian. Inaabangan ko tuwing uwian.
Aminado naman akong hindi ako makatao
Ngunit 'pag patungkol sayo ay biglang may pake ako.
Halimbawa'y sa tuwing napapadaan sa inyong silid-aralan
Ay sa pagtingin ay hindi ko maiwasan, kahit alam ko namang sarado.
Nagbabakasakaling bubukas ang pinto
At bubungad ang napakagiting mong anyo:
Ang taglay na tangkad mo,
Ang napakalinis na balat mo,
At ikaw mismo.
Aminado rin naman akong
Hindi ako 'yong tipong babae na
Nakakapagpapalingon ng madla
Pero sa simple kong ganda
Hindi mo pa rin ba ako kilala?
Ni isang beses hindi ko ba nakuha ang iyong atensiyon?
Sa mga palihim kong paglingon
Batid mo bang may tinatago akong intensiyon?
Na hindi lang yun mga simpleng titig lang
Kundi sa ganong paraan ko pinaparamdam sayo ang tunay kong nararamdaman.
Ngunit 'wag na nga lang,
Wala na akong lakas ng loob upang ipaalam.
Huwag na nga lang,
May kasama ka na kasi tuwing uwian.